Real Talk

Bakit Kailangan Ipagdiwang ang

Buwan ng Wika?

by Anna Rica Rodriguez, August 22, 2019 4:52pm

Art by Ahl Mirambel

Real Talk

Bakit Kailangan Ipagdiwang ang Buwan ng Wika?

by Anna Rica Rodriguez, August 22, 2019 4:52pm
Art by Ahl Mirambel
 

Ang Buwan ng Wika ang pinakamahabang pagdiriwang at pagbibigay halaga sa ating lenggwahe. Datapwa’t ang madalas na pokus lamang natin ay ang ating pambansang wika na Filipino, dapat din nating pagtuunan ng pansin ang iba pang lenggwahe na pumapalibot sa ating bansa. 

Ang wika ang nagiging tulay natin upang magkaroon ng pagkakaintindihan at komunikasyon sa bawat isa. Ito rin ang nagiging daan upang ipagtibay ang samahan ng iba’t-ibang etnisidad. Ang paggamit ng Filipino bilang pambansang wika  ang nagbubuklod sa mga karatig isla upang maging isang nasyon. 

Kilala ang Pilipinas sa pagkakaroon ng maraming lenggwahe at diyalekto. Mayroon tayong walong pangunahing lenggwahe: Tagalog, Ilocano, Kapampangan, Pangasinan, Waray, Bicolano, Cebuano, at Hiligaynon (Ilonggo). Binubuo rin tayo ng 185 na lenggwahe at diyalekto.

Noong 1946, sa pamamagitan ng Proclamation No. 35 ng Marso 26, idineklara ni Pangulong Sergio Osmena ang isang linggong selebrasyon ng ating wika na nagsimula sa araw ng Marso 27 at natapos sa araw ng Abril 2 ng nasabing taon. Ang huling araw ay kaarawan ng manunulat na si Francisco Baltazar, ang sumulat ng Tagalog na epikong Florante at Laura

Ang Buwan ng Wika ang nagsisilbing paalala at daan upang ating pahalagahan ang ating wika sa kabila ng pagiging isang arkipelagong bansa at kasaysayang kolonyal.

Samantalang noong 1955, sa Proclamation No. 186 ng Setyembre 23, muling pinirmahan ni Pangulong Ramon Magsaysay na tawagin ang pagdiriwang bilang Linggo ng Wika. Panibagong proklamasyon naman ang pinirmahan ni Pangulong Fidel V. Ramos na nagdedeklarang pahabain ang pagdiriwang sa loob ng isang buwan kaya ito tinawag na Buwan ng Wika.

Ginaganap ang Buwan ng Wika sa buwan ng kapanganakan ng dating Pangulong Manuel L. Quezon na kinikilala bilang ama ng wikang pambansa. Nararamdaman niya na kailangan ng ating mga kababayan ang pagkakaisa para sa isang wika na walang kinakalimutang katutubong lenggwahe at diyalekto.

Ano nga ba ang kahalagahan ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika?

Ang Buwan ng Wika ang nagsisilbing paalala at daan upang ating pahalagahan ang ating wika sa kabila ng pagiging isang arkipelagong bansa at kasaysayang kolonyal. Ang ating wika ang kumakatawan sa bansang Pilipinas at sa pagiging Pilipino.

Sa pagdiriwang ng ating wika, huwag nating kalilimutang ito’y makapangyarihan at ito ang magiging susi sa tagumpay at pag-unlad ng ating bansang Pilipinas.

Ang tema ng Buwan ng Wika ngayong taon ay, “Wikang Katutubo: Tungo sa Isang Bansang Filipino”. Ayon kay Roy Rene Cagalinga, isang language researcher ng Komisyon sa Wikang Filipino, ang tema ay nagnanais magbigay kamalayan sa mga tao sa kahalagahan ng mga katutubong lenggwahe sapagkat ito ay susi tungo sa pag-unlad at pagkilala sa bansang Pilipinas.

Ano nga ba ang ibig sabihin nito?

Ang Filipino, bilang isang buhay na wika, ay nagbibigay kahulugan sa ating pagkatao at kultura bilang Pilipino. Ang pagkakaroon ng mga etnikong grupo sa ating bansa ay nagpapakita ng ating pagkakaiba, habang ang wika ang nagbubuklod sa atin bilang isang nasyon.

Sa pagdiriwang ng ating wika, huwag nating kalilimutang ito’y makapangyarihan at ito ang magiging susi sa tagumpay at pag-unlad ng ating bansang Pilipinas. Ayon nga sa kasabihang iniwan ng Jose Rizal, “ang hindi marunong magmahal sa sariling wika ay higit pa sa hayop at malansang isda.”

Padayon, Wikang Filipino!

 

Is `Bakit Kailangan Ipagdiwang ang Buwan ng Wika?´ helpful?  Y  N

Comments