Profiles

Mga Tanyag na Manunulat

sa Larangan ng Panitikang

Filipino 

by Anna Rica Rodriguez, August 27, 2019 2:40pm

Art by Ahl Mirambel

Profiles

Mga Tanyag na Manunulat sa Larangan ng Panitikang Filipino 

by Anna Rica Rodriguez, August 27, 2019 2:40pm
Art by Ahl Mirambel
 

Ang panitikan ang mainam na paraan upang magpahayag ng kaisipan, ideya, o saloobin na may iba’t ibang anyo, pananaw, at diwa.

Ngayong Buwan ng Wika, ating kilalanin ang ilan sa mga manunulat na nagpapahayag ng kani-kanilang kwento. Ito’y mga istoryang nagsasalaysay ng buhay, estado ng lipunan, pamahalaan, pananampalataya, at mga karanasang kaugnay ng iba’t ibang uri ng damdamin tulad ng pag-ibig, kaligayahan, kalungkutan, pag-asa, pagkasuklam at pangamba na nakasulat sa wikang Filipino o Tagalog.

Jun Cruz Reyes

Kapansin-pansin sa mga akda ni Jun Cruz Reyes ang mga tauhang nabansagang baliw, abno, may toyo, may sayad, at may tililing sa kanyang mga sulating Tutubi, Tutubi, ‘Wag Kang Magpahuli sa Mamang Salbahe, Etsa-Puwera, Ang Huling Dalagang Bukid, Ang Autobiography na Mali: Isang Imbestigasyon, at sa ilang kwento sa Utos ng Hari at Iba Pang Kwento at Ilang Taon na ang Problema Mo?

Ipinapaliwanag dito ang konstruksyon ng kabaliwan, partikular ang gamit nito para sa mga nagtutunggaliang puwersa. Sa isang banda, lumilikha siya ng baliw para isantabi ang halaga ng buhay ng tao at palaguin ang kaisipang nagpapababa sa mga marhinalisado. Ngunit ang pagkontrol na ito ay lumilikha ng ibayong kapangyarihan sa mga isinasantabi. Ibinabalik ng marhinalisadong uri ang bansa sa mga nagbabansag at inaangkin ang kabaliwan para hamunin ang sistemang naniniil sa kanila.

Lualhati Bautista

Pinatunayan ni Lualhati Bautista ang pagiging iba sa lahat ng manunulat. Higit sa kanyang kakayahan upang makita ang iba’t-ibang anggulo o pananaw, si Lualhati ay walang kapantay sa pagiging isang manunulat. Ilan lamang sa mga klasikong mga panulat niya ay ang Bata, Bata Paano Ka Ginawa?, Dekada ‘70, Gapo, at Bulaklak sa City Jail. 

Matapang ang kanyang panulat sa kadalasang pagtalakay sa mga seryosong isyung panlipunan tulad ng di-makatao at di-makatarungang gobyerno na nagbibingi-bingihan sa daing ng mamamayan. Madalas sa mga tauhan ng kanyang sulatin ang kababaihan, isang tipikal na may bahay na nais makipaglaban upang makamtam ang kalayaan ng ating bansa. Natutuhang pangibabawan ang kahinaa’t kahirapan, sa kamay ng kaaway o kalaban, natuto siyang manindigan. 

Bob Ong

Kilala ang mga sulatin ni Bob Ong lalo na sa mga kabataan. Siguradong sa labing-isang libro ni Bob Ong, ay may isang sulatin ka nang nabasa. Sa comedic at magaan na pamamaraan ng pagsusulat binibigyang buhay ni Bob Ong ang kanyang mga akda. Isa si Bob Ong sa mga manunulat na naging dahilan ng pagsigla ng mga kabataan upang magbasa ng mga librong nakasulat sa wikang Filipino. 

Ilan sa mga sulatin ni Bob Ong ay ang Stainless Longganisa na tumatalakay sa pagsusulat, pagiging manunulat, at publishing industry sa Pilipinas, at ang Bakit Baliktad Magbasa ng Libro ang mga Pilipino? na tungkol naman sa identidad, politika at kultura ng ating bansa. Ilan din sa mga kilalang akda niya ang Macarthur na tumatalakay sa estado ng lipunan ng bansa at Alamat ng Gubat na isang piksyon na naglalarawan sa mga ganap sa gobyerno. 

Eros Atalia

Nagtapos si Eros Atalia sa Philippine Normal University noong 1996 sa kursong Bachelor of Secondary Education Major in Filipino at tumanggap ng Balagtas Award. Nagwagi ang kanyang tulang Maririing Tusok ng Kalawanging Karayom sa Nagngangalit na Ugat ng unang gatinmpala sa Pambansang Patimpalak sa Pagsulat ng Tula ng Padaylipi Ink. noong 1995. Kinilala ng Komisyon sa Wikang Filipino, Talaang Ginto ang kanyang tulang Maglaba ay ‘Di Biro bilang ikalawang gantimpalang banggit noong 2004. Sa taon ding iyon, nagwagi siya ng ikatlong gantimpala para sa Gawad Collantes sa sanaysay na may pamagat na Ang Politika ng Wikang Pambansa: Mula sa Iba’t Ibang Pagsipat at Paglapat. 

Ilan sa mga kilalang sulatin ni Eros Atalia ay Ligo na U, Lapit na Me, Tatlong Gabi, Tatlong Araw, ‘Wag Lang ‘Di Makaraos at Ang Ikatlong Anti-Kristo.

Ricky Lee

Kilalang playwright, screenwriter, journalist, at nobelista, isa si Ricky Lee sa mga tinitingalang manunulat sa bansa. Isang multi-awarded na manunulat at ang master ng kanyang sariling mga akda. Nakapagsulat na si Ricky Lee ng mahigit 150 screenplays simula noong 1973 at 50 trophies mula sa iba’t ibang patimpalak o award-giving bodies katulad na lamang ng 2003 Natatanging Gawad Urian Lifetime Achievement Award mula sa Manunuri ng Pelikulang Pilipino. 

Hindi lamang limitado ang talento ni Ricky Lee sa pagsusulat ng pelikula. Ilan din sa mga nobelang naisulat niya ang naging tampok sa lahat ng mambabasa tulad ng Para Kay B, Si Amapola sa 65 na Kabanata, at Bahay ni Marta. Kilala ang galing ni Ricky Lee sa pagdudugtong-dugtong ng mga kwento ng kanyang mga karakter. Kakaiba din ang biswal na paghahayag niya sa kanyang mga akda na magpapalawak ng imahinasyon ng mga mambabasa. 

Jerry Gracio

Isang makata, scriptwriter, at manunulat si Jerry Gracio. Ang wika ng pagsusulat niya ay makabagbag damdamin at madaling basahin. Tila nakikipagkwentuhan ka sa isang kaibigan—uri ng kaibigan na nais mong saluhin ang lahat ng salitang kanyang binibitawan. Walang tapon maski isang salita. 

Isa sa mga sinulat ni Jerry Gracio ay ang Waray Hiunong Sa Gugma o Walang Tungkol sa Pag-ibig, mga tula ito na orihinal na isinulat sa Waray at isinalin sa Filipino. Ang kanyang bagong akdang Bagay Tayo at Hindi Bagay ay kwentong tungkol sa pag-ibig na walang pinipiling kasarian. 

Edgar Calabia Samar

Isang manunulat ng tula at piksyon, nakatanggap ng parangal ni Edgar Calabia Samar sa Palanca Awards dahil sa koleksyon ng kanyang mga tula at nobela. Ang kanyang librong Pag-aabang sa Kundiman: Isang Talambuhay ay napasama sa nominasyon para sa National Book Award. Ginawaran si Edgar sa kanyang kwentong pambata na Uuwi na ang Nanay Kong si Adarna kung saan binigyang buhay sa isang dula at naipalabas sa Cultural Center of the Philippines na napabilang sa Virgin Labfest noong July 2008. 

Napakarami pang manunulat ang kilala sa pagsusulat gamit ang wikang Filipino pero sa ngayon, simulan mo muna sa mga kilalang akda na siguradong magbibigay interes sa’yo upang magbasa ng mga nobela sa wikang Filipino. 

Hanggang sa muli, maligayang pagababasa!

 

Is `Mga Tanyag na Manunulat sa Larangan ng Panitikang Filipino ´ helpful?  Y  N

Comments